Nilinaw ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST) na ang mga Filipinong siyentipiko at imbentor ay hindi naisasantabi ng ating pamahalaan.
Ayon kay Luningning Samarita-Domingo, Punong Tagapangisawa ng DOST, may mga nakatalagang ahensiya para sa mga likha o proyekto ng mga imbentor at siyentipiko ng bansa.
Isa na rito, aniya, ay ang Technology Application and Promotion Institute (TAPI) na siyang pangunahing nagtataguyod ng mga imbensiyon at makabagong produkto sa bansa.
Bukod sa pagsusulong ng mga likhang Filipino at pagpapalawak ng paggamit sa mga imbensiyong ito ng mga mamamayan, mandato din ng ahensya ang pagbibigay ng tulong sa pagpapaunlad sa mga imbensyong Pinoy.
Kung ang mga imbentor ay may TAPI, ang mga siyentipiko naman ay may National Research Council of the Philippines (NRCP) na pangunahing layunin ay ang pag-ibayuhin ang pananaliksik sa bansa at ang pagsuporta sa mga proyekto ng ating mga siyentipiko.
Sa programang Communication and New Exchange (CNEX) ng Philippine Information Agency (PIA) at Philippine Communications Operations Office (PCOO), ipinaliwanag ni Domingo na ang mga panukala ng mga dalubhasa sa agham at teknolohiya ay maaring isumite sa DOST upang pag-aralan, at kung papasa sa pagsusuri ay popondohan ng ahensiya. Karaniwan ay nasa dalawang milyong piso ang inilalaan ng DOST sa bawat proyekto na kanilang aaprubahan.
“Ang mga mananaliksik at dalubhasa sa mga probinsiya ay maaaring makipag-ugnayan sa mga tanggapang panlalawigan ng DOST para sa kanilang mga likha,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Domingo ang kahalagahan ng agham at teknolohiya sa pag-unlad ng bansa, hindi lang sa aspektong ekonomik kundi pati na rin sa kalidad ng pamumuhay ng mga Filipino.
Upang lalong mapalawig ang imbensiyon at pananaliksik sa bansa, isang ahensiya ng pamahalaan—ang National Academy of Science and Technology (NAST)—ang nagbibigay dangal at pagkilala sa ating mga siyentipiko.
“Sa pamamagitan ng pagkilala at parangal sa mga Filipinong dalubhasa ng NAST, lalong napagyayabong ang larangan ng agham at pananaliksik sa bansa,” pahayag ni Domingo.
Sa pangkasalukuyan, mayroon nang 67 miyembro-siyentipiko ang NAST.
Mayroon ding Science and Technology Scholarship na ipinagkakaloob ang DOST sa mga mag-aaral na nagnanais kumuha ng kursong may kinalaman sa agham at teknolohiya.
-------------------
Ang Linggo ng Siyensya at Teknolohiya o National Science and Technology Week ay gaganapin sa ika-27-30 ng Hulyo. Ang tema sa taong ito ay “Nasa Syensya ang Pag-asa” at itinatampok dito ang mga henyong Pinoy sa larangan ng agham at teknolohiya at ang kontribusyon nila sa paglago ng ating bansa.
Iba’t ibang aktibidades ang nakalinya sa Linggo ng Siyensya at Teknolohiya na gaganapin sa iba’t ibang panig ng Maynila. Kabilang dito ang:
July 27-30- Expo Science 2011 (SMX Convention Center, Mall of Asia)
July 13- Outstanding Young Scientist Summit (Manila Hotel)
July 14-15- Annual Scientific Meeting (Manila Hotel)
July 18-22- Science for Kids (DOST-NRCP Auditorium, Bicutan, Taguig City)
July 19- STARBOOKS Launch (SM MOA, Nido Fortified Science Discovery)
July 28- Tagisang Robotics ( SM Mall of Asia-Music Hall)
July 29- S&T Summit and S&T Quiz Bee ( SMX Convention Center)
July 29- In Touch With Excellence (Landbank Auditorium)
July 27-30- Expo Science 2011 (SMX Convention Center, Mall of Asia)
July 13- Outstanding Young Scientist Summit (Manila Hotel)
July 14-15- Annual Scientific Meeting (Manila Hotel)
July 18-22- Science for Kids (DOST-NRCP Auditorium, Bicutan, Taguig City)
July 19- STARBOOKS Launch (SM MOA, Nido Fortified Science Discovery)
July 28- Tagisang Robotics ( SM Mall of Asia-Music Hall)
July 29- S&T Summit and S&T Quiz Bee ( SMX Convention Center)
July 29- In Touch With Excellence (Landbank Auditorium)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento