Kung mayroong mabisang panlaban sa sakuna dulot ng pagbabago ng klima, ito ay adaptasyon.
Ito ang binigyang-diin ni Usec. Graciano Yumul ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa panayam sa kanya ukol sa mga paghahandang dapat gawin ng taumbayan sa panahon ng tag-ulan.
Sa ginanap na Broadcasters' Forum kaninang umaga sa Lungsod ng Quezon, ipinaliwanag ni Yumul kung bakit hindi niya nakikitang praktikal na pang-iwas sakuna ang pagpapalit ng iskedyul ng pasukan sa mga paaralan.
Makailang ulit na rin na may nagpanukala na ilipat ang simula ng klase sa buwan ng Setyembre upang makaiwas sa malupit na hampas ng panahon sa mga buwan ng Hunyo hanggang Agosto kung saan madalas ang pag-ulan.
"Saanman sa daigdig ay nag-iiba na ang klima. Ang Nepal, Saudi Arabia, Pakistan, etc. ay mga bansang hindi naman inuulan; ngunit ngayon, pati sila'y nakakaranas na ng pagbabago ng klima," saad ni Yumul.
Ibinatid ni Yumul na bagaman magandang suhestiyon ang paglipat ng Pasukan sa Setyembre-- na siyang sinusunod sa ibang bansa-- ang Kamaynilaan lang ang makikinabang dito sapagkat mayroong kanya-kanyang klase ng klima sa bansa at ang nararanasan sa Luzon ay maaaring hindi naman katulad ng nararanasan sa Visayas at Mindanao.
Samantala, ipinaliwanag ni Yumul ang "climate change" bilang isang nagaganap na penomena sa mundo. Sa kabila ng mga nakasanayang gawi at pamamaraan sa pagharap sa kalamidad, pinaka-epektibong panligtas ng buhay ay ang tamang pagbabagay o "adaptation" sa mga pagbabago sa klima.
"Mahalaga ang pagtanggap ng tao sa mga anunsyo ng mga bagyo at ibang kalamidad na parating." Kailangan lang maging alerto, mapagmasid, at alisto ng mga Filipino upang makalagpas sa banta ng sakuna," dagdag pa niya.
Sa kabila ng pahayag nito, ipinaliwanag din ni Yumul ang proseso ng pag-anunsiyo at pagpapalawig ng bantang bagyo na isinasagawa ng PAGASA at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Mula sa forecast ng PAGASA ay pinaparating ang banta ng bagyo sa Office of Civil Defense (OCD) na siya namang ahensiyang nagbabalita sa mga lokal na opisyal kasama ang baraggay ng parating na bagyo.
Nagbigay naman ng suhestiyon ang ilang mamamahayag sa ginanap na Forum na dapat i-"Filipinize" ang pag-uulat ng bagyo as publiko, at magtatag ng mga salitang angkop sa kanyang tinutukoy dahil na rin sa kakulangan ng pantay na termino sa mga terminong Ingles tulad ng "tropical depression", "storm", "typhoon", na pawang ang "bagyo" ang katumbas sa wikang Filipino.
Idinagdag din sa mga panukala ang pagsama sa "rainfall intensity" o ang dami ng ulan sa ulat ng PAGASA dahil nakasalalay dito ang paghahandang gagawin ng mga bayang mababa at madaling bahain.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento