Biyernes, Hulyo 29, 2011

Mga ahensiya ng gobyerno, lusot na sa pre-audit

Inaasaahang mapapabilis ang pagpapatakbo sa mga proyekto ng mga ahensiya ng pamahalaan matapos na mapagdesisyunan ng Commission on Audit (COA) na tanggalin na ang "pre-auditing" sa kanilang sistema.

Ito ang napagdesisyunan ng COA matapos lumitaw sa kanilang pag-aaral na "fiscally responsible" naman ang mga ahensiya ng gobyerno.

Sa pahayag ni COA Chairperson Ma. Gracia Pulido-Tan sa Communication and News Exhange (CNEX) Program ng Philippine Information Agency (PIA), sa mahigit kalahating milyong transaksiyon na dumaan sa kanilang ahensiya para sa pre-auditing simula 2009, 87 porsyento sa mga ito ang agarang naaprubahan ng COA. Ang 12 porsyento ay nangailangan lamang ng ilan pang dokumento upang maaprubahan ng nasabing ahensya. Isang porsyento lamang sa mga transaksiyon ang hindi naaprubahan.

Ayon kay Pulito-Tan, sa mahigit 500 bilyong pisong kabuuan ng transaksyong kanilang sinuri noong 2009, wala pang isang porsyento ang halaga ng tinanggihan nito.

Nangangahulugan ito, aniya, na may kakayahan naman ang mga ahensiya sa pamamahala ng kanilang gastusin at ibang bayarin, at hindi dapat maging hadlang ang pre-auditing sa agarang pagproseso ng mga proyekto ng iba't ibang sangay ng pamahalaan.

Inamin naman ni Pulido-Tan na magiging positibo ang kahihinatnan ng pagtanggal sa nasabing proseso dahil na rin mababawasan ang mga nabibinbing proyekto ng gobyerno dulot ng antalang dulot ng paghihintay sa resulta ng pre-auditing ng COA.

Samantala, pinaalalahanan ni Pulido-Tan na dapat magkaroon ng internal auditor ang bawat sangay ng pamahalaan at panatilihing sumunod sa nakatakdang protokol sa pag-a-awdit. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento