Huwebes, Agosto 25, 2011

Biktima ng dengue, libre na ang pagpapagamot sa mga ospital


Wala nang dapat alalahanin pa ang mga mahihirap nating kababayan na tatamaan ng dengue kung gastusin lang naman sa ospital ang pag-uusapan.

Ito ang pahayag ni Kalihim Enrique Ona ng Department of Health (DOH) sa panayam sa kanya kamakailan lang sa Communication and News Exchange Forum (CNEX) ng Philippine Information Agency (PIA).

Ngunit nilinaw ni Ona na ito ay para lamang sa mga iniisponsoran ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa programa nitong Conditional Cash Transfer (CCT) o ang tinatawag na 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Ipinaliwanag ni Ona na dahil sa lumalaking bilang ng kaso ng dengue sa bansa, lalo na sa mga maralitang lugar, sinusugan ng DOH ang pagbibigay ng libreng pagpapa-ospital sa mga tinaguriang “poorest of the poor” na matatamaan ng dengue at ng iba pang nakakahawang sakit.

Nilinaw din nya na ang “no billing policy” o libreng pagpapagamot ay para lang sa mga pampublikong ospital o pagamutan. Kailangan din na miyembro ng Philhealth ang mga natukoy na benepisyaryo ng CCT.

“Kailangan pa ring i-file ng mga miyembro sa ospital ang kanilang claim para maipadala sa PhilHealth at maiproseso,” dagdag ng Kalihim. Mababayaran naman ito ng PhilHealeth sa loob ng 90 araw.

Sa kasalukuyan, mayroong 5.3 milyong pamilyang 4Ps ang naka-enrol sa Philhealth at inaasahang makikinabang ng malaki ang mga pamilyang ito lalo na sa aspektong pangkalusugan.

Magsisimula ang libreng pagpapa-ospital sa susunod na buwan (Setyembre).

Samantala, mariing pinaalalahanan ni Ona na panatilihing malinis ang kapaligiran at siguraduhing walang tubig na hindi nagagalaw na maaaring pugaran ng mga lamok. Ito ay upang mapigilan ang pagdami ng lamok.

Pinaalalahanan din ng Kalihim na iulat sa kinauukulan ang mga basurang hindi naitatapon ng maayos at iwasan paggamit ng “fumigation” dahil hindi na ito epektibong pamuksa ng lamok at nakasasama pa ito sa kalusugan ng tao.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento