Wika ng isang post-kolonyalistang teoriko na si Edward Said: "Kaalaman ay kapangyarihan ("Knowledge is power"). At sa likod ng bawat matagumpay na paglinang ng kaisipan ay ang isang sandatang sinasabing pinakamakapangyarihan sa lahat-- wika.
Mula sa iba't ibang panig ng mundo, ang bawat bansa ay may tinituring na opisyal na wika. Ang Estados Unidos at Inglatera ay may Ingles; ang Hapon ay may Nihonggo; ang Tsina ay may Mandarin. Bawat kalinangan ay hinuhubog ng wika, at ang kalidad ng kaisipan ng mamamayan ay nakasalalay sa kahusayan niya sa wika.
Ang Filipinas ay binubuo ng mahigit pitong libong pulo, at hindi kataka-taka na ang heograpikal na sitwasyon natin ay nagdulot ng pagkakaroon ng iba't ibang wika o lenggwahe; ang bawat lengguwahe ay may tinatawag na varyant o dialekto. Sinasabing mayroong higit 120 na lengguwahe at dialekto ang bansa. Sa kabila ng pagkakaiba-iba sa aspektong heograpikal, kultural, at lingwal, bakit nagkakaunawaan pa rin ang mga Filipino?
Wikang Pambansa ang tinaguriang opisyal na wika ng lahat sa anumang transaksyon: sa paaralan, sa negosyo, sa pamahalaan. Mahaba-haba at masalimuot ang kasaysayan ng pagkakatatag ng ating wikang pambansa. Nabuksan ang kamulatan ng mga mamamayan ukol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng wikang panlahat nang ipainaloob sa Konstitusyon ng 1935, sa pangunguna ni Pangulong Manuel Quezon, ang pagkakaroon ng isang wikang pambansa na gagamitin sa lahat ng transaksyon sa bansa.
Taong 1937 din naitatag ang Surian ng Wikang Pambansa na pangunahing layunin ay ang pumili mula sa mga katutubong wika ng gagamiting batayan sa pagpapalaganap at pagpapatibay ng wikang pambansa ng Pilipinas. Sa taong ding iyon, sa pamamagitan ng Executive Order No. 134 s. 1937, nahirang ang Tagalog bilang batayan ng ating wikang pambansa. Ginamit din ang Pilipino bilang wikang panturo sa mga paaralan at sa sirka ring ito nabuo ang Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos na siyang naging opisyal na talasanggunian ng mga mag-aaral sa balarila o gramatika at istruktura ng wikang Pilipino. Ang pamantayan sa pagpili ng wikang pambansa ay nagdulot ng malawakang protesta at diskusyon mula sa mga akademiko hanggang sa mga pulitiko sa iba't ibang panig ng bansa. Lalong naging maugong ang diskusyon nang itinagubilin ng Komite ng Wika sa nakaraang 1973 Kumbensyong Konstitusyunal na bumuo ng wikang pambansa mula sa pinagsanib-sanib na wikang katutubo ng mga Filipino.
Naresolbahan lamang ang isyu sa pambansang wika nang maliwanag na ipinaloob sa 1987 Konstitusyon na Filipino ang pangunahin at opisyal na wika ng bansa. Nakasaad sa Artikulo XIV, Seksyon 6 na:
"... the National language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages."
sa Seksyon 7, nakasaad na:
"For purposes of communication and instruction, the official languages of the Philippines are Filipino and, until otherwise provided by law, English. The regional languages are the auxilliary official language in the region and shall serve as auxilliary media of instruction therein."
Kung kaya't mula sa orihinal na tawag na Tagalog ni Pangulong Quezon noong 1939 hanggang sa tawag na Pilipino noong 1959, ang opisyal na wikang pambansa ng Filipinas ay tinawag na Filipino mula 1973 hanggang sa kasalukuyan.
Yumabong ang Filipino sa larangan ng panitikan, agham, at teknolohiya, at kasama ng pagyabong nito ay nagkaroon ng wikang nagbibigkis sa mga mamamayan ng bansa. Samantala, ginagamit pa rin ang ibang rehiyunal na wika sa mga lokal na transaksyon. Ang Ingles naman ay tinaguriang lingua franca o wikang ginagamit sa pakikipagtransaksyon sa mga dayuhan sa bansa.
Patunay ang pagpapahalaga sa ating wikang pambansa nang ilabas ni Pangulong Corazon Aquino ang Proklamasyon Blg. 19 noong ika-12 ng Agosto 1988 na nagdedeklara ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika mula ika-13 hanggang ika-19 ng Agosto kada taon. Upang higit na mapaigting ang pagmamahal ng mga Filipino sa tinaguriang wikang pambansa, idineklara ni Pangulong Fidel V. Ramos ang buong buwan ng Agosto bilang Pambansang Buwan ng Wika sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 1041 noong ika-15 ng Enero, 1997. Hanggang sa ngayon, ipinagdiriwang ng buong Filipinas ang Buwan ng Wika sa buwan ng Agosto.
At sa taong ito, sa pangunguna ng Komisyong Wikang Filipino (KWF), ating ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika na may paksang-diwa na, "Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ikaw at Lakas sa Tuwid na Landas".
Sa buong buwan ng Agosto ay maraming nailapat na gawain ang pamahalaan upang maipagdiwang ang Buwan ng Wika. Ilan sa mga programang naitakda sa buwan na ito ay ang sumusunod:
Agosto 1: Pagpupugay sa Watawat at Pambukas na Palatuntunan
Panauhing Tagapagsalita: Executive Secretary Paquito Ochoa,
Malacañang Grounds, Maynila
12-13 Pambansang Worksyap sa Filipino: Wikang Filipino sa Ika-150
taon ni Rizal, University of Perpetual Help-Rizal,
Angono, Rizal
13 Forum Pangwika
Philippine Information Agency Auditorium
Visayas Ave, Diliman, Lungsod Quezon
14 Araw ng Pagkatatag ng Komisyon sa Wikang Filipino
1610 Gusaling Watson, J. P. Laurel Street, San Miguel, Maynila
19 Gawad Sagisag Quezon 2011
Panauhing Pandangal, Pangulo Benigno Simeon C. Aquino, III
Heroes Hall, Palasyo ng Malacañang, Lungsod Maynila
Pag-aalay ng Bulaklak at Paggunita
Araw ng Kapanganakan ni Pangulong Manuel L. Quezon
Quezon Memorial Shrine, Lungsod Quezon
30 Kumperensiyang Pangwika
Bayview Park Hotel, Roxas Boulevard, Lungsod Maynila
31 Pampinid na Palatuntunan
Gawad Dangal ng Wikang Filipino
Gawad Komisyon sa Sanaysay
Bayview Park Hotel, Roxas Boulevard, Lungsod Maynila